Ilang malalaking sinkhole ang naiulat na lumitaw sa Balut Island at iba pang baybaying lugar sa timog Mindanao ilang araw matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang Maasim, Sarangani noong June 8.

Ayon sa mga residente, kapansin-pansin pa rin ang mga pagbabago sa kapaligiran matapos ang malakas na pagyanig. Kabilang dito ang hindi pa normal na lebel ng tubig-dagat sa ilang lugar, gayundin ang paglubog ng lupa o ground subsidence at paglitaw ng mga bagong sinkhole.

Pinaniniwalaang may kaugnayan ang mga pagbabagong ito sa paggalaw ng lupa na dulot ng lindol, ayon sa mga eksperto. Posible umanong nagkaroon ng pag-angat at paglubog ng ilang bahagi ng kalupaan bunga ng malakas na seismic activity.

Sa kasalukuyan, patuloy na minomonitor ng mga awtoridad at geologist ang sitwasyon upang matukoy ang lawak ng pinsala at mga posibleng panganib sa mga komunidad na apektado.

Pinapayuhan naman ang publiko na iwasan ang mga lugar na may bitak sa lupa, hindi matatag na bahagi ng kalupaan, at mga bagong nabuong sinkhole habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa lugar.