Sinimulan na ng Commission on Elections (Commission on Elections) ang pag-dispose o pagsira sa kabuuang 2,420,904 opisyal na balota na unang naimprenta para sana sa na-postponed na BARMM Parliamentary Elections.

Ayon sa COMELEC, ang mga naturang balota ay nakalagak sa kanilang warehouse sa Biñan at kinakailangang tuluyang sirain upang matiyak na hindi na ito magagamit pa sa anumang paraan. Layunin nito na mapanatili ang integridad, seguridad, at kredibilidad ng proseso ng halalan alinsunod sa umiiral na mga alituntunin ng Komisyon.

Matatandaang ang mga balotang ito ay para sana sa nakatakdang halalan noong Oktubre 13, 2025, na hindi natuloy.
Samantala, inihayag din ng COMELEC na handa na ang bagong disenyo ng balota para sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections, na itinakda naman sa Setyembre 14, 2026.
Kasama sa bagong balota ang mga updated na listahan ng mga political party at mga kandidato na naghain ng kanilang Certificate of Candidacy noong Mayo 5 hanggang 7, 2026, bilang bahagi ng paghahanda para sa mas maayos at patas na halalan sa rehiyon.

















