Nagsagawa ng serye ng search operations ang mga awtoridad sa bayan ng Siocon, Zamboanga del Norte, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng hinihinalang ilegal na droga at dalawang baril na walang kaugnayan sa pagkakaaresto ng mga target na indibidwal noong Nobyembre 26, 2026.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 9 o PRO 9, umabot sa humigit-kumulang 30 gramo ang nakuhang hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng 204,000 pesos sa Barangay Bucana dakong alas-7:25 ng gabi.

Narekober din sa lugar ang isang Armscor 9mm pistol at isang Caspian caliber .45 pistol, kasama ang kani-kanilang magazine.

Isinagawa ang mga operasyon sa bisa ng tatlong search warrant kaugnay ng posibleng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Nagsanib-puwersa sa operasyon ang Siocon Municipal Police Station, PNP Special Action Force, 2nd Zamboanga del Norte Provincial Mobile Force Company, Regional Intelligence Division 9 at Regional Mobile Force Battalion 9.

Hindi naman nadakip ang tatlong indibidwal na pinatutungkulan ng mga search warrant matapos umanong makapagtago o makatakas ang mga ito nang mapansin ang pagdating ng mga operatiba.

Dinala na sa Zamboanga del Norte Forensic Office–Liloy Satellite Office ang mga nakuhang ebidensiya para sa laboratory examination, habang inihahanda ng pulisya ang kaukulang dokumentasyon at mga kasong maaaring isampa.