Usap-usapan ngayon sa social media ang isang lalaki na una umanong napagkamalan ng ilang netizens na sangkot sa insidente ng pagnanakaw sa loob ng isang fastfood chain sa General Santos City kasunod ng malakas na lindol noong Hunyo 8, 2026, ngunit kalauna’y kinilala bilang isa sa mga tumulong sa rescue operations sa lugar.

Ayon sa mga rumespondeng awtoridad, hindi umano totoo ang mga paratang laban sa lalaki dahil sa halip na magnakaw ay tumulong ito sa pagligtas sa mga na-trap na biktima, kabilang ang isang nakatatandang lalaki at isang service crew matapos ang pagguho ng bahagi ng establisyemento.

Ang naturang lalaki ay kinilalang si Ramon Capulong, 59 anyos, residente ng Lanton, Barangay Apopong sa General Santos City. Siya ay isang construction worker na nagtatrabaho sa bagong tayong Gensan City Hall Building at isa ring Philippine Army Reservist na sinanay sa emergency response.

Sa gitna ng delikadong sitwasyon, hindi umano nagdalawang-isip si Capulong na tumulong kahit walang inaasahang kapalit o pagkilala, na kalauna’y nagbunsod upang makilala siya bilang isa sa mga tunay na tumugon sa insidente.

Pinabulaanan din ni Capulong ang kumalat na alegasyon na siya ay sangkot sa anumang pagnanakaw sa naturang establisyemento. Giit niya, wala siyang kinuha o nilabag na batas at ang kanyang naging partisipasyon ay nakatuon lamang sa pagtulong at pagtiyak sa kaligtasan ng mga naapektuhan ng lindol.

Umapela rin siya sa publiko na maging maingat at mapanuri sa mga impormasyong kumakalat sa social media upang maiwasan ang maling akusasyon at disimpormasyon, kasabay ng pasasalamat sa mga patuloy na naniniwala at umaunawa sa kanilang ginawa.

Nanindigan si Capulong na ang kanilang hangarin ay makatao at nakatuon sa mabilis na pagresponde sa pangangailangan ng mga biktima sa panahon ng sakuna.