Nilinaw ng Bangsamoro Darul Ifta (BDI) na ang paggunita sa Amun Jadid o Islamic New Year ay hindi kabilang sa mga relihiyosong pagdiriwang sa Islam.

Sa panayam ng Star FM Cotabato, ipinaliwanag ni Sheikh Abdulkahar Musa, tagapagsalita ng Bangsamoro Darul Ifta, na ang terminong Amun Jadid ay nagmula sa wikang Arabic kung saan ang salitang “jadid” ay nangangahulugang “bago” o “new,” kaya ang kabuuang kahulugan nito ay “bagong taon.”

Ayon kay Musa, bagama’t kinikilala ng mga Muslim ang pagsisimula ng panibagong taon sa kalendaryong Hijri, hindi ito ipinagdiriwang bilang isang relihiyosong kapistahan.

Aniya, dalawa lamang ang kinikilalang pangunahing pagdiriwang sa Islam—ang Eid’l Fitr, na pagdiriwang matapos ang buwan ng Ramadan, at ang Eid’l Adha, na ginaganap tuwing ika-sampung araw ng buwan ng Dhul-Hijjah.

Binigyang-diin ng BDI na ang pagpasok ng Amun Jadid ay nagsisilbing paalala ng panibagong yugto sa buhay at pagkakataon para sa pagninilay at pagpapabuti ng sarili bilang mga Muslim.