Muling niyanig ng lindol ang Sarangani at mga karatig-lugar nitong Huwebes, Hunyo 18, dakong alas-2:57 ng hapon, matapos maitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o PHIVOLCS ang magnitude 5.4 na aftershock ng malakas na lindol na tumama sa lalawigan noong nakaraang linggo.
Batay sa tala ng PHIVOLCS, naganap ang pagyanig alas-2:57 ng hapon na may lalim na 33 kilometro. Natukoy ang sentro nito sa karagatang nasa 24 kilometro timog-kanluran ng bayan ng Glan, Sarangani.
Naitala ang Intensity V sa bayan ng Malungon, Sarangani at sa General Santos City, habang Instrumental Intensity IV naman ang naitala sa mga bayan ng Maasim at Kiamba sa Sarangani, gayundin sa T’boli, South Cotabato.
Samantala, Instrumental Intensity III ang naitala sa Malapatan at Malungon sa Sarangani, at sa mga bayan ng Tupi, Santo Niño, at Koronadal City sa South Cotabato.
Ayon sa PHIVOLCS, ang pagyanig ay isa lamang sa mga aftershock ng magnitude 7.8 offshore earthquake na tumama sa karagatan ng Sarangani noong Hunyo 8.
Sa ngayon, wala pang naiulat na malaking pinsala o nasawi kaugnay ng naturang pagyanig, ngunit patuloy na pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling alerto dahil posible pa ang mga susunod na aftershock.

















