Nanawagan si United Bangsamoro Justice Party o UBJP Vice President for Central Mindanao at Moro Islamic Liberation Front o MILF Vice Chairman, MP Mohagher Iqbal, sa lahat ng local government officials sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na panatilihin ang pagiging neutral sa nakatakdang parliamentary elections sa Setyembre 14.
Ayon kay Iqbal, ang kauna-unahang parliamentary elections sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB ay isang makasaysayan at mahalagang yugto para sa mamamayang Bangsamoro, dahil ito ang kauna-unahang halalang nakabatay sa kasunduang nagbigay-daan sa pagtatatag ng BARMM.
Iginiit din niya na magsisilbing pagsubok ang halalan sa pambansang pamahalaan kung paano nito igagalang at ipatutupad ang mga probisyon ng Bangsamoro Organic Law o BOL hinggil sa awtonomiya at karapatan ng mga Bangsamoro na malayang pumili ng kanilang mga lider.
Bilang Vice President ng UBJP, hinikayat ni Iqbal ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa BARMM na tiyaking magiging malaya at patas ang halalan sa pamamagitan ng pananatiling walang kinikilingan.
Nilinaw rin niya na hindi hinihikayat ng UBJP ang mga opisyal na suportahan ang kanilang partido o anumang iba pang political party. Aniya, ang pagiging neutral ng mga ito ay mahalaga upang mapanatili ang tiwala ng publiko, maisulong ang demokrasya, mapangalagaan ang kapayapaan, at mapangalagaan ang pambansang interes.

















