Iginiit ni House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Representative “Zia Alonto Adiong” na hindi nangangahulugang wala nang isyu sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) dahil lamang sa natanggap nitong unmodified opinion mula sa Commission on Audit (COA) para sa taong 2025.

Ayon kay Adiong, nananatiling matibay ang mga ebidensyang inihanda ng House prosecution para sa lahat ng articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kabilang ang mga alegasyon ng umano’y iregularidad sa paggamit at liquidation ng confidential funds sa mga nagdaang taon.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang unmodified audit opinion ng COA ay tumutukoy lamang sa financial statements ng OVP para sa taong 2025 at hindi nito pinapawalang-saysay ang mga naunang audit findings na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds. Aniya, hindi rin nito binabawi ang mga rekomendasyon ng COA, kabilang ang panawagang maibalik ang mga kuwestiyonableng halaga.

Binigyang-diin din ni Adiong ang usapin sa mga acknowledgement receipts na isinumite ng OVP, kabilang ang kontrobersyal na pangalang “Mary Grace Piattos” na lumitaw sa ilang dokumento. Aniya, ang mga ito ay dapat malinawan sa pamamagitan ng testimonya ng mga saksi at pagsusuri ng mga ebidensya sa nalalapit na impeachment trial.

Samantala, nakatakdang simulan ng Senado sa Lunes, Hulyo 6, ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ang paglilitis ay inaasahang magbibigay-linaw sa mga alegasyong nakasaad sa impeachment complaint na inihain laban sa pangalawang pangulo.