Na-neutralize o napaslang sa isinagawang joint law enforcement support operation ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulisya ang itinuturing na lider ng BIFF-BUNGOS Faction na si Esmael Abubakar, na mas kilala sa alyas na “BUNGOS,” sa Barangay Calsada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, madaling-araw ng Linggo, Hulyo 5.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-2:26 ng madaling-araw sa bisa ng ilang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court sa Cotabato City kaugnay ng mga kasong murder, multiple attempted murder, at destructive arson.

Pinangunahan ang operasyon ng 601st Infantry Brigade kasama ang iba pang yunit ng 6th Infantry “Kampilan” Division ng Philippine Army, sa pakikipag-ugnayan sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office.

Ayon sa militar, si Abubakar ay dating Vice Chairman for Political Affairs ng BIFF-BIFM sa ilalim ni Ameril Umbra Kato bago bumuo ng sarili niyang BIFF-BUNGOS Faction. Itinuturing din siyang pangunahing high-value target ng Western Mindanao Command dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iba’t ibang pag-atake, pambobomba gamit ang improvised explosive devices, pananambang, at iba pang mararahas na insidente laban sa mga pwersa ng pamahalaan.

Sinabi ni Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Infantry Brigade, na ang matagumpay na operasyon ay bunga ng malapit na koordinasyon ng militar, pulisya, at suporta ng mga sibilyan. Aniya, patuloy nilang tutugisin ang natitirang miyembro ng grupo upang matiyak ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.

Samantala, sinabi naman ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, na malaking dagok sa BIFF-BUNGOS Faction ang pagkaka-neutralize sa kanilang lider. Inaasahan aniya na hihina ang command structure, operasyon, at recruitment ng grupo, habang pinalalakas din ang seguridad bago ang nalalapit na halalan sa BARMM.