Patuloy na nararanasan ng iba’t ibang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang epekto ng malalakas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat na pinalalakas ng Super Typhoon Inday, kung saan umabot na sa 9,292 pamilya mula sa 22 barangay ang naapektuhan.
Batay sa pinakahuling ulat ng Bangsamoro Disaster Risk Reduction and Management Council (BDRRMC), wala pang naitatalang nasawi o nasugatan kaugnay ng nararanasang masamang panahon. Gayunman, tatlong kabahayan ang tuluyang nawasak sa bayan ng Bongao, Tawi-Tawi.
Upang mapabilis ang pagtugon sa sitwasyon, nagsagawa ang BDRRMC ng emergency coordination meeting sa pamamagitan ng Emergency Operations Center (EOC) o Bangsamoro READi. Pinangunahan ito ni Ministry of the Interior and Local Government (MILG) Minister Jordan Bayam, na siya ring Vice Chairperson for Disaster Preparedness, kasama ang mga kinatawan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices, PAGASA Cotabato Substation, at Ministry of Social Services and Development (MSSD).
Tinalakay sa pagpupulong ang kasalukuyang kalagayan sa bawat lalawigan at ang mga hakbang upang matiyak ang agarang paghahatid ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha.
Kasunod ng paglalabas ng PAGASA ng Tropical Cyclone Bulletin No. 2, agad na ipinatupad ng BDRRMC ang BRAVO emergency preparedness and response protocol. Nananatili ring nakataas ang Blue Alert status ng Bangsamoro EOC bilang paghahanda sa posibleng paglala ng lagay ng panahon.
Nagpadala na rin ang Bangsamoro READi ng mga Quick Response Team at rescue vehicles sa mga bayan ng Parang sa Maguindanao del Norte at Guindulungan sa Maguindanao del Sur upang tumulong sa search and rescue operations at paglikas ng mga residenteng naapektuhan ng baha.
Personal ding nagtungo si Bangsamoro READi Director Muhammad Farzieh Abutazil sa mga evacuation center sa Parang upang kumustahin ang kalagayan ng mga pamilyang pansamantalang lumikas at tiyaking naibibigay ang kinakailangang ayuda.
Samantala, nanawagan si Minister Bayam sa lahat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Offices na panatilihin ang mahigpit na koordinasyon at tiyaking maagap ang pagtugon sa anumang emergency. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng MSSD sa Bangsamoro READi para sa beripikasyon ng mga ulat at patuloy na pagtataya sa sitwasyon habang nananatiling banta ang patuloy na pag-ulan sa rehiyon.

















