Nagkaroon ng sagupaan ang dalawang armadong grupo sa Sitio Sinigpit, Barangay Duguengen, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur kahapon, July 12, 2026.
Ayon kay Lt. Col. Ronald E. Suscano, tagapagsalita ng 6th Infantry “Kampilan” Division at Joint Task Force Central (JTFC), sangkot sa bakbakan ang 128 Base Command sa ilalim nina Commander Muslimin Amilil at Commander Zainodin Kairo, at ang 118 Base Command na pinamumunuan nina Commander Kahar at Commander Samad Simpal.
Sa kabila ng palitan ng putok, sinabi ni Suscano na wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa magkabilang panig.
Batay sa paunang impormasyon ng militar, personal na alitan ang tinitingnang dahilan ng naganap na armadong engkuwentro.
Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang sitwasyon sa lugar upang matiyak na hindi na mauwi sa panibagong karahasan ang naturang insidente.

















