Binigyang-diin ni MP Datucan “Mohagher Iqbal” Abas ang kahalagahan ng konsultasyon sa loob ng Bangsamoro movement sa isinagawang Consultation Meeting sa Camp Darapanan kahapon July 13, 2026.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Iqbal na ang konsultasyon ay mahalagang bahagi ng pamumuno at sama-samang pagpapasya. Aniya, ito ay isang prinsipyong naglalayong mapanatili ang pagkakaisa at pananagutan ng bawat kasapi.

Hinikayat din niya ang patuloy na suporta sa United Bangsamoro Justice Party (UBJP), na aniya ay opisyal na political party ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ayon kay Iqbal, mahalaga ang papel ng partido sa pagpapatuloy ng mga layunin ng Bangsamoro at sa pagpapanatili ng mga naabot na tagumpay ng kilusan.

Ipinahayag din niya ang kanyang pag-aalala sa ilang indibidwal na umano’y unti-unting lumalayo sa mga adhikain ng Bangsamoro movement. Binanggit din niya ang mga pahayag tungkol sa umano’y pagkawala ng diwa ng pakikibaka at ang pagiging neutral ng ilang ulama sa usaping pampulitika.

Sa pagtatapos ng kanyang talumpati, nilinaw ni Iqbal na hindi niya itinuturing na kaaway ang ibang mga political party. Gayunman, sinabi niyang mahalagang igalang ang karapatan ng bawat mamamayan na malayang pumili at bumoto para sa mga kandidatong nais nilang suportahan sa darating na halalan.