Nanindigan ang mga state prosecutor na walang magiging pinsala o prejudice sa kanilang mosyon na alisin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan mula sa mga kasong graft at plunder na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Sa isang clarificatory hearing na isinagawa ngayong Miyerkules, ipinaliwanag ni Assistant State Prosecutor III Reza Casila-Derayunan na ang naturang mosyon ay hindi naglalaman ng malaking pagbabago sa kaso. Aniya, nililinaw lamang nito ang mekanismo o paraan ng isang aksiyon na nakasaad na sa orihinal na impormasyon ng kaso, kaya’t wala itong negatibong epekto sa iba pang akusado.
Gayunman, mariing tinutulan ng mga abogado ng mga kapwa akusado ni Bonoan ang nasabing mosyon.
Sa kabila ng pagtutol, sinabi ni Fifth Division Chairperson Zaldy Trespeses na itinuturing nang “submitted for resolution” ang mosyon ng state prosecutors matapos ang isinagawang clarificatory hearing.
Inaasahan ng korte na maresolba ang usapin bago ang itinakdang arraignment o pagbasa ng sakdal kina Bonoan at dating senador Jinggoy Estrada sa Hulyo 28.
Nahaharap sina Bonoan, Estrada, at tatlo pa nilang kapwa akusado sa mga kasong graft at plunder kaugnay ng umano’y ilegal na paglalagay ng pondo at project allocations sa infrastructure portfolio ng DPWH noong 2025.

















