Nakatakda nang pagdesisyunan ng Sandiganbayan Second Division ang mosyon na alisin si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan bilang co-accused at gawin siyang state witness sa kasong kinakaharap ni Senador Jinggoy Estrada kaugnay ng flood control project.

Ito ay matapos makumpleto ng Second Division ang oral arguments ng magkabilang panig. Ayon kay Second Division Chairperson Geraldine Econg, kailangan pang masusing suriin ng hukuman ang ilang legal na usapin upang matiyak na naaayon sa batas ang magiging pasya.

Ipinaliwanag ni Econg na nais ng korte na makapaglabas ng komprehensibong resolusyon na may sapat na batayan. Aniya, kung kinakailangan ang pormal na proseso ng pag-discharge kay Bonoan bilang akusado, dapat itong maipaliwanag at mabigyang-katwiran ng prosekusyon.

Dagdag pa niya, kailangang mapatunayan ng mga prosecutor na mahalaga ang testimonya ni Bonoan sa kaso at na hindi siya ang may pinakamabigat na pananagutan sa mga akusado. Kapag nalinaw ang mga isyung ito, maaari nang resolbahin ng hukuman ang mosyon.

Sa ngayon, sinabi ni Econg na nakabinbin na para sa resolusyon ang naturang mosyon, ngunit wala pa siyang ibinigay na petsa kung kailan ito ilalabas.

Nauna nang hiniling ng Office of the Ombudsman na gawing state witness ang 80-anyos na si Bonoan matapos itong lumagda sa isang cooperation agreement na layong magbigay ng mahahalagang impormasyon upang mapalakas ang kaso ng prosekusyon.

Isa rin sa mga naging batayan ng naturang mosyon ang lumalalang kondisyon ng kalusugan ni Bonoan, na kasalukuyang nasa hospital arrest sa PNP General Hospital.

Samantala, nakabinbin din sa Sandiganbayan Fifth Division ang kahalintulad na mosyon sa hiwalay na kasong kinabibilangan nina Senador Estrada at dating Kalihim Bonoan.