Pormal na kinilala ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs (MIPA) ang Batasan Higaonon bilang lehitimong Indigenous Political Structure (IPS) ng mga Higaonon Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa mga bayan ng Wao, Balabagan, Amai Manabilang, at Tagoloan II sa Lanao del Sur.
Batay sa inilabas na Certificate of Affirmation (MIPA-PS COM No. 03-2026), isinagawa ang pagkilala alinsunod sa COMELEC Resolution No. 11235 at Bangsamoro Autonomy Act No. 64 o ang Bangsamoro Indigenous Peoples’ Act of 2024.
Layunin ng naturang sertipikasyon na kilalanin ang tunay na Indigenous Political Structure ng Higaonon upang magamit sa paghahain ng mga kinakailangang dokumento sa Commission on Elections (COMELEC) at sa paglahok sa pagpili ng Non-Moro Indigenous Peoples (NMIP) Representative sa Parlamento ng Bangsamoro.
Nakasaad din sa sertipikasyon na kinikilala ng MIPA ang likas na karapatan ng mga Higaonon sa sariling pamamahala, pangangalaga sa kanilang lupang ninuno, pagsusulong ng katarungang panlipunan, karapatang pantao, at pagpapanatili ng kanilang kultura.
Bukod dito, pinagtibay rin ng MIPA na ang Batasan Higaonon ay may lehitimong kapangyarihan at tungkulin alinsunod sa MIPA Administrative Order No. 001, Series of 2026, at iba pang umiiral na batas, tuntunin, at regulasyon.
Ang naturang Certificate of Affirmation ay inilabas sa Cotabato City noong Hunyo 18, 2026.

















