Pormal nang inilunsad ng Ministry of Public Works (MPW) ang mas pinaunlad na Expanded Bangsamoro Advanced Road Mapping and Management System (E-BARMM) sa ginanap na programa sa Shariff Kabunsuan Cultural Complex sa Cotabato City kahapon Hulyo 16.
Pinangunahan ni BARMM Chief Minister Abdulraof A. Macacua ang paglulunsad kasama sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Senior Undersecretary Emil K. Sadain at MPW Minister Architect Eduard Uy Guerra.
Naghatid naman ng opening message si Bangsamoro Director-General Engr. Danilo A. Ong sa ngalan ni Minister Guerra.
Layunin ng upgraded E-BARMM system na mapahusay ang pagpaplano ng mga proyektong pang-imprastraktura, pagmomonitor sa implementasyon ng mga proyekto, pagsasagawa ng field validation, at pagpapadali ng pag-access ng publiko sa impormasyon kaugnay ng mga proyektong pang-imprastraktura sa buong Bangsamoro Region.
Samantala, ipinakita ni Tarhata P. Kalim, Chief ng Construction Division ng MPW, ang mga bagong kakayahan ng sistema, kabilang ang mas pinaunlad na Geographic Information System (GIS), pinahusay na mapping features, at isang mobile application na magagamit ng mga field personnel sa pagmomonitor, pagbeberipika, at agarang pag-update ng datos ng mga proyekto habang nasa aktuwal na lugar.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Chief Minister Macacua na inaasahang magsisilbing mahalagang gabay ang upgraded E-BARMM system sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura, habang isinusulong ang patas, transparent, at inklusibong kaunlaran sa buong Bangsamoro.
Inaasahan ding mapapalakas ng naturang sistema ang koordinasyon ng mga tanggapan ng MPW at higit na mapapahusay ang pagsubaybay at pag-uulat sa pagpapatupad ng mga programang pang-imprastraktura sa rehiyon.

















