Arestado ang apat na katao matapos masabat ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad ang mahigit P61 milyong halaga ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes sa Purok 5, Barangay Busaon, Tagum City, Davao del Norte noong Hulyo 21.
Ayon sa Philippine Coast Guard o PCG, isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng intelligence report na may isang Jungkong-type motorbanca na umano’y nagdadala ng mga kontrabandong sigarilyo sa kahabaan ng Libuganon River para ipamahagi sa iba’t ibang lugar sa Davao Region.
Bagama’t nakaalis na ang motorbanca bago dumating ang mga operatiba, nagsagawa pa rin ng surveillance at beripikasyon ang mga awtoridad na nauwi sa pagkakadiskubre ng 2,038 master cases ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes at pagkakaaresto sa apat na suspek.
Tinatayang umaabot sa P61.14 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo.
Sa follow-up operation, naharang din ng mga awtoridad ang MV Alnel sa karagatan sakop ng Maco, Davao de Oro. Natagpuan itong walang kargamento at nabigong magpakita ng kaukulang dokumento ang mga tripulante kaya isinailalim sa kustodiya ang naturang sasakyang pandagat para sa kaukulang legal na proseso.
Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng CIDG Regional Field Unit XI, Provincial Intelligence Unit-Davao del Norte, Regional Special Operations Group 11, at Tagum City Police Station, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at iba pang transnational crimes.

















