Inilunsad sa Barangay Rosary Heights 11 sa Cotabato City ang programang naglalayong mapanatiling malaya sa ilegal na droga ang mga lugar ng trabaho.

Isinagawa ang unveiling ceremony nitong Nobyembre 16 sa covered court ng barangay, na dinaluhan ng mga tauhan ng Cotabato City Police Office o CCPO at mga kinatawan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Pinangunahan ni PLTCOL Jude Marlon D. Del Carmen, Deputy City Director for Administration ng CCPO, ang pagdalo ng mga tauhan ng pulisya sa aktibidad na may temang “Healthy Workplace, Drug-Free Community.”

Bilang bahagi ng programa, lumagda ang mga empleyado sa isang commitment na nagpapahayag ng kanilang suporta sa pagpapanatili ng ligtas, malusog at drug-free na lugar ng trabaho.

Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman at isulong ang disiplina, pananagutan at pagtutulungan upang maiwasan ang paggamit ng ilegal na droga sa mga lugar ng trabaho at sa komunidad.

Ayon sa CCPO, patuloy nitong susuportahan ang mga programang nagtataguyod ng drug-free workplace at pakikipagtulungan sa mga lokal na institusyon para sa mas ligtas na komunidad.