Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos maaktuhan sa isang buy-bust operation at makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P23,800 sa Barangay Puntod, Cagayan de Oro City kahapon Hulyo 23.
Kinilala lamang ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na “Arboy.”
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Station Drug Enforcement Team at Intelligence Operatives ng Police Station 5 ng Cagayan de Oro City Police Office, katuwang ang City Mobile Force Company at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 10.
Sa operasyon, narekober mula sa suspek ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang bigat na 3.5 gramo at may Standard Drug Price na P23,800.
Nakumpiska rin ang isang coin purse na pinaglagyan umano ng iligal na droga at isang P500 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 5 ang suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















