Arestado ang tatlong katao matapos mabuwag ng mga awtoridad ang isang hinihinalang drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Zone 2, Barangay Bugo, Cagayan de Oro City, bandang alas-8:00 ng gabi noong Hulyo 27.
Pinangunahan ng Regional Special Enforcement Team Alpha ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 10 ang operasyon katuwang ang Police Station 6 ng Cagayan de Oro City Police Office.
Nakumpiska sa operasyon ang 14 na heat-sealed plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang anim na gramo at may standard value na P40,800.
Nasamsam din ang buy-bust money, dalawang cellphone, isang digital weighing scale, isang coin purse, at iba’t ibang drug paraphernalia na pinaniniwalaang ginagamit sa iligal na bentahan at paggamit ng droga.
Kinilala ni PDEA Region 10 Director Alex M. Tablate ang mga naaresto sa mga alyas na “Lan,” 56-anyos; “Arn,” 30-anyos; at “Marky,” 47-anyos, na pawang mga residente ng Barangay Bugo sa Cagayan de Oro City.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 12, at 15 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon sa PDEA Region 10, magpapatuloy ang kanilang intelligence-driven operations katuwang ang Philippine National Police upang mabuwag ang mga iligal na operasyon ng droga at mapanatiling ligtas ang mga komunidad sa Cagayan de Oro City at iba pang bahagi ng Northern Mindanao.

















