Boluntaryong isinuko ng mga residente ng South Upi ang kabuuang 39 na loose firearms kasabay ng paglulunsad ng Small Arms and Light Weapons Management (SALW-M) Program ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Municipal Gymnasium ng bayan kahapon Hulyo 29.
Dinaluhan ang programa ni 603rd Infantry Brigade Acting Commander Col. Glenn Loreto T. Caballero at 57th Infantry Battalion Commander Lt. Col. Ronaldo M. Tarrayo, matapos silang magsagawa ng courtesy call kay South Upi Mayor Helen Benito Padua bilang bahagi ng pagpapatibay ng ugnayan ng Philippine Army at ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran.
Pinangunahan ng pamahalaang bayan ng South Upi, katuwang ang OPAPRU, ang pagpapatupad ng SALW-M Program, habang nagbigay naman ng suporta at koordinasyon ang 57th Infantry Battalion sa ilalim ng 603rd Infantry Brigade.
Sa paglulunsad ng programa, pormal na ipinrisinta ng mga residente ang 39 na isinukong baril kay Col. Caballero, na kumatawan kay 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central Commander Maj. Gen. Jose Vladimir A. Cagara.
Bukod sa pagsuko ng mga armas, tumanggap din ng livelihood assistance ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng programa upang matulungan silang magkaroon ng pangmatagalang kabuhayan at mapabuti ang kanilang pamumuhay.
Nagpasalamat naman si Mayor Padua sa Philippine Army, partikular sa 603rd Infantry Brigade, 57th Infantry Battalion, at OPAPRU, dahil sa patuloy na pakikipagtulungan sa pagpapatupad ng mga programang pangkapayapaan sa kanilang bayan.
Samantala, muling tiniyak ni Maj. Gen. Cagara ang suporta ng 6th Infantry Division sa SALW-M Program. Ayon sa kanya, ang bawat baril na boluntaryong isinusuko ay sumisimbolo ng pagtitiwala sa pamahalaan at pagpili ng kapayapaan kaysa sa karahasan, na mahalagang hakbang tungo sa mas ligtas at mas maunlad na komunidad.
Patuloy namang ipinagpapatuloy ng 603rd Infantry Brigade ang pagsuporta sa mga programa ng pamahalaan na naglalayong mabawasan ang paglaganap ng loose firearms at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa Maguindanao del Sur.

















