Nanawagan ang Bangsamoro Federalist Party (BFP) sa kanilang mga tagasuporta na boluntaryong alisin o itama ang mga election poster at tarpaulin na maaaring hindi sumusunod sa mga alituntunin ng Commission on Elections (COMELEC).

Ito ay kaugnay ng ipatutupad na Oplan Baklas ng COMELEC sa buong rehiyon kung saan tatanggalin ang mga election materials na nakapaskil sa mga pampublikong lugar at iba pang ipinagbabawal na lokasyon.

Ayon sa BFP, kabilang sa hinihiling nilang alisin o iwasto ang mga tarpaulin ng partido, mga kandidato sa District Representative, at mga Sectoral Nominees na kusang ikinabit ng kanilang mga tagasuporta ngunit maaaring hindi naaayon sa umiiral na panuntunan ng COMELEC.

Nagpasalamat naman ang partido sa patuloy na suporta ng kanilang mga tagasuporta at hinikayat ang lahat na makiisa sa pagpapanatili ng isang malinis, responsable, at sumusunod sa batas na kampanya at halalan sa Bangsamoro.