Nasamsam ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 9 o PDEA RO9 ang tinatayang P680,000 halaga ng hinihinalang shabu habang naaresto ang isang magsasaka sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Tiguma, Pagadian City kahapon, Agosto 3.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek sa alyas na Datz, 33-anyos, may asawa, at residente ng Barangay Payong, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte.
Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Zamboanga del Sur Provincial Office katuwang ang Philippine National Police–Zamboanga Sibugay Provincial Intelligence Team, Regional Intelligence Unit 9, Regional Drug Enforcement Unit 9–Zamboanga del Sur, at 902nd Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 9.
Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 100 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard market value na ₱680,000.
Narekober din ng mga operatiba ang isang motorsiklo, cellphone, buy-bust money na may kasamang tunay na P1,000 bill, mga plastic packaging materials, paper bag, at identification card ng suspek.
Isinagawa ang imbentaryo at dokumentasyon ng mga nakuhang ebidensya sa harap ng mga kinatawan ng Department of Justice, media, at isang halal na opisyal, alinsunod sa itinakda ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 kaugnay ng pagbebenta ng ilegal na droga.
Samantala, pinuri ni PDEA Regional Director III Bryan B. Babang ang mga operatibang nagsagawa ng operasyon at muling iginiit ang patuloy na kampanya ng ahensya laban sa ilegal na droga sa rehiyon.

















