Naghatid ang pambansang pamahalaan ng iba’t ibang ayuda sa Davao del Norte sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) Rice Assistance at Socio-Civic Projects Fund (SCPF) bilang bahagi ng pagpapalawak ng paghahatid ng serbisyo sa mga komunidad.

‎Sa mensahe ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo, na kumatawan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sinabi nitong layunin ng administrasyon na mailapit ang mga programa ng pamahalaan sa mga mamamayan sa halip na hintayin pa silang lumapit sa gobyerno.

‎Ayon kay Lagdameo, bahagi ang pamamahagi ng ayuda sa mas malawak na programa ng administrasyon upang suportahan ang mga pamilya at lokal na pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa.

‎Aniya, ipinatutupad ang naturang programa hindi lamang sa Davao del Norte kundi maging sa iba pang mga lalawigan, alinsunod sa direktiba ng Pangulo na matiyak na walang Pilipinong mapag-iiwanan sa paghahatid ng serbisyo ng pamahalaan.

‎Sinabi rin ni Lagdameo na layunin ng rice assistance na makatulong sa pagpapagaan ng gastusin ng mga pamilya sa pagkain, habang inaasahang makatutulong ang pondong inilaan sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng kabuhayan at mga serbisyong pampubliko sa kanilang mga komunidad.

‎Dumalo sa aktibidad sina Davao del Norte Governor Edwin Jubahib, Vice Governor Clarice Jubahib, mga kinatawan ng lalawigan na sina JM Lagdameo at Oyo Uy, Mindanao Development Authority Chairperson at Secretary Leo Tereso Magno, iba pang lokal na opisyal, at mga benepisyaryo ng programa.