Naging kulay asul ang dating kulay berdeng rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM matapos ang sabayang pagsisimula ng kampanya ng Bangsamoro Federalist Party o BFP kahapon, August 8, 2026.
Isinagawa ang campaign kickoff sa anim na lalawigan at isang lungsod sa rehiyon.
Dumalo sa mga aktibidad ang mga kandidato mula sa iba’t ibang distrito at mga party nominee na naglibot sa mga bayan at barangay upang ipakilala ang kanilang partido at mga kandidato.
Layunin din ng BFP na ipaalam sa mga Bangsamoro ang kanilang mga plataporma at hikayatin ang mga ito na maging mapanuri sa pagpili ng mga susunod na lider ng rehiyon.
Sa naunang panayam ng Star FM Cotabato kay BFP Party Treasurer at 9th Nominee Atty. Kitem Kadatuan Jr., sinabi nitong pagkakataon din ang campaign kickoff upang mas makilala ng mga Bangsamoro ang kanilang partido.
“Dito na natin sisimulan na ma-introduce sa mga tagapakinig at tagapanood ang plataporma ng ating Bangsamoro Federalist Party,” ayon kay Kadatuan.
Sabay-sabay na isinagawa ang campaign kickoff sa Special Geographic Area o SGA, Maguindanao del Norte, Maguindanao del Sur, Basilan, Lanao del Sur, Tawi-Tawi at Cotabato City.
Sa Cotabato City, naging tampok naman ang muling pagsasama-sama ng ilang dating magkakapartido.
Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao ang buong suporta nito sa apat na district representative candidates ng lungsod.
Kabilang dito sina MP Tomanda Antok, MP Atty. Naguib Sinarimbo, adopted candidate MP Romeo Sema at Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua.
“Kami po ay nagdedeklara ng all-out, unequivocal na suporta sa mga district representatives ng Cotabato City,” ayon kay Matabalao.
Sinabi rin ng alkalde na ang kanilang paglipat sa BFP ay ginawa nila para sa kapakanan ng mga Bangsamoro.
“Isa lang ang common sa aming lahat. Gusto naming pamunuan ang Bangsamoro ng partido na para sa Bangsamoro,” saad ni Matabalao.
Samantala, sinabi ni Bangsamoro Chief Minister Chief of Staff Jamael Macacua, na kumatawan sa kanyang ama na si Chief Minister Abdulraof Macacua, na boto ang kailangan upang muling mailuklok ang kanyang ama bilang district representative.
“Wala pong ibang paraan para mailuklok natin si Chief Minister para maging District Representative ng Maguindanao Norte with 2 barangays sa Cotabato City kundi ang pagboto sa kanya sa halalan,” saad ng nakababatang Macacua.
Samantala, iginiit naman ni MP Atty. Naguib Sinarimbo, kandidato ng BFP para sa 2nd District ng Cotabato City, na itinatag nila ang partido upang mabigyan ng pagkakataon ang mas maraming Bangsamoro na makapaglingkod.
Ayon kay Sinarimbo, mula nang maitatag ang BARMM ay iisang partido lamang ang naging dominante sa rehiyon.
Aniya, hindi lahat ng nais makapaglingkod ay maaaring mapasama sa iisang partido dahil 40 lamang ang maaaring maging miyembro ng isang partido, batay sa batas.
“Hindi tayo magkakasya sa iisang partido pulitikal dahil ang bilang sa isang partido ay 40 lamang,” saad ni Sinarimbo.
Hiningi rin nito ang suporta ng mga dumalo para sa lahat ng kandidato ng BFP sa nalalapit na First Bangsamoro Elections sa Setyembre.
“Parte po ito ng magandang kapalaran ng bawat isa sa atin, ang BFP,” dagdag ni Sinarimbo.
Sa pagtatapos ng campaign kickoff, naging positibo naman ang reaksyon ng ilang opisyal ng barangay at mga residente sa istilo ng pangangampanya ng BFP.
Ayon sa ilan, naging maayos, malinaw at mapayapa ang kanilang kampanya.
Dahil dito, ipinahayag ng ilang dumalo ang kanilang suporta sa mga kandidato ng BFP sa Cotabato City.
Kabilang sa mga dumalo sa campaign kickoff si Minister of Interior and Local Government at Vice Chairman ng BFP General Party Committee na si MP Jordan Bayam, kasama ang mga nominee at district representative candidates ng partido sa buong rehiyon.

















