Rumesponde ang City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO sa isang medical incident na kinasangkutan ng ilang estudyante ng Sunshine College Inc. kagabi August 11, 2026.

Batay sa ulat, dakong alas-8:52 ng gabi nang makatanggap ng impormasyon ang CDRRMO tungkol sa ilang estudyanteng nakaranas ng matinding panghihina, kawalan ng pagkain at hindi komportableng pakiramdam dahil sa kulob at maalinsangang kondisyon sa lugar.

Ilang estudyante umano ang nanghina at bumagsak, dahilan upang agad na magresponde ang mga tauhan ng CDRRMO.

Agad na nagsagawa ng assessment ang mga responder at binigyan ng paunang lunas at kinakailangang medical assistance ang mga apektadong estudyante.

Nag-deploy din ang CDRRMO ng Incident Management Team o IMT at Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA team upang tumulong sa pagtugon sa insidente.

Nanatili sa lugar ang CDRRMO, mga opisyal ng Barangay Tamontaka 2, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, City Health Office-Health Emergency Management Services at Cotabato Light and Power Company para sa patuloy na monitoring at pagtugon.

Natapos ang demobilization ng response team dakong alas-2 ng madaling araw matapos matiyak na kontrolado na ang sitwasyon at ligtas ang mga estudyante.

Binigyang-diin ng CDRRMO ang kahalagahan ng sapat na pagkain at tubig, regular na pahinga, maayos na bentilasyon at ligtas na lugar para sa mga estudyanteng kalahok sa mga aktibidad, lalo na kung matagal ang kanilang pananatili sa lugar.

Pinuri rin ng tanggapan ang mabilis na pag-uulat at pakikipagtulungan ng mga school personnel at mga estudyante sa panahon ng insidente.