Dalawang katao ang naaresto matapos masabat ang tinatayang P12.4 milyon halaga ng hinihinalang smuggled cigarettes sa Matanog, Maguindanao del Norte.

Nasangkot sa operasyon ang driver ng wing-van na kinilala sa alyas na Arniel, 55-anyos, at helper nitong si Jaytonie, 23-anyos.

Naharang ang kanilang sasakyan sa isang joint checkpoint sa Sitio Marayag, Barangay Bayanga Norte, dakong alas-5 ng madaling araw kahapon Martes, Agosto 18.

Nang inspeksyunin ang truck, nakita ng mga awtoridad ang mga kahon ng sigarilyo, ngunit hindi umano nakapagpakita ang driver ng mga kinakailangang dokumento para sa kargamento.

Umabot sa 290 master cases o 14,497 reams ng mga sigarilyong Greenhill at Bosqu ang nakumpiska, na may tinatayang halaga na P12 milyon 409 libong piso.

Dinala sa Matanog Municipal Police Station ang mga suspek, sasakyan at nakumpiskang kontrabando para sa kaukulang imbestigasyon.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad kung saan nagmula at saan sana ihahatid ang mga nasabat na sigarilyo.