Nilinaw ng Office of the Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM na kuha bago pa ang election period ang kumakalat na video na nagpapakita ng dalawang indibidwal na may dalang baril sa loob ng kanilang tanggapan.
Sa public advisory na inilabas ngayong hapon ng Biyernes, sinabi ng Office of the Chief Minister na kinunan ang naturang video bago pa ipatupad ang election gun ban.
Dahil dito, hinimok ng tanggapan ang publiko na maging maingat sa panonood at pagbabahagi ng mga online content, lalo na ang mga materyal na maaaring magdulot ng maling impresyon sa kasalukuyang sitwasyon.
Hiniling din sa publiko na tiyaking mula sa mapagkakatiwalaan at opisyal na sources ang mga impormasyong kanilang ibinabahagi.
Samantala, sinabi ng Office of the Chief Minister na sinusuportahan nito ang Commission on Elections o COMELEC sa mahigpit na pagpapatupad ng lahat ng election-related protocols at pagbabawal habang papalapit ang unang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Paalala ng tanggapan, mahalagang maunawaan ang tamang konteksto ng mga lumang larawan at video upang maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon, partikular ngayong papalapit ang halalan sa Bangsamoro.

















