Nagpulong ang Cotabato City Police Office o CCPO at ilang yunit ng militar upang palakasin ang koordinasyon sa pagtugon sa mga banta at mapanlinlang na impormasyon online.

Isinagawa ang collaborative meeting dakong alas-9 ng umaga ngayong Oktubre 8, 2026 sa Headquarters ng 6th Civil-Military Operations o KASANGGA Battalion sa PC Hill, Barangay Rosary Heights 1, Cotabato City.

Dumalo sa pulong sina PLTCOL Teng M. Bacal, Chief ng CCPO Community Affairs and Development Unit o CCADU, at PLT Rochelle D. Evangelista, Deputy Chief ng naturang yunit.

Kasama rin sa pagpupulong ang mga kinatawan ng 6th Civil-Military Operations Battalion, Marine Battalion Landing Team 6 at Tactical Operations Group 12 ng Philippine Air Force.

Nakatuon ang pagpupulong sa pagsasabay ng mga digital operation at pagpapalakas ng koordinasyon sa pagtugon sa online threats tulad ng mga scam, fake news, mapanlinlang na content at iba pang uri ng online disinformation.

Layunin din ng mga kalahok na magkaroon ng mas maayos na paraan sa pagmomonitor at pagtugon sa mapaminsalang online activities, gayundin sa pagbibigay ng tama at napapanahong impormasyon sa publiko.

Binigyang-diin din sa pulong ang kahalagahan ng beripikasyon ng impormasyon, maayos na komunikasyon at responsableng paggamit ng digital platforms para sa kapayapaan, seguridad at kaligtasan ng publiko sa Cotabato City.