Mahigit dalawang toneladang dangerous drugs na tinatayang nagkakahalaga ng P12.34 bilyon ang tuluyang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa Cavite.
Isinagawa ang thermal decomposition ng mga nakumpiskang droga kahapon Agosto 27 sa Integrated Waste Management Incorporated sa Barangay Aguado, Trece Martires City.
Kabuuang 2.22 milyong gramo ng solid dangerous drugs at higit 106 libong mililitro ng liquid substances ang isinailalim sa proseso, na siyang pinakamalaking volume ng droga na winasak ng PDEA ngayong taon.
Pinakamalaki sa mga ito ang mahigit 1.77 milyong gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P12.06 bilyon.
Kabilang sa mga pinagmulan ng malaking volume ng shabu ang dalawang malalaking operasyon sa MIMAROPA at Valenzuela City, kung saan umabot sa humigit-kumulang 1.7 tonelada ang kabuuang nakumpiska.
Kasama rin sa winasak ang mahigit 433 libong gramo ng marijuana, cocaine, MDMA, iba pang uri ng dangerous drugs, liquid methamphetamine at liquid marijuana, gayundin ang 15 libong gramo ng mga expired na gamot.
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, tuluyan nang inalis sa illegal drug market ang mga nakumpiskang substance matapos makumpleto ang kinakailangang legal na proseso para sa disposal.
Binigyang-diin din ni Nerez na bahagi ito ng patuloy na operasyon ng ahensya at mga katuwang na law enforcement agencies upang mapigilan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad.
Nasaksihan naman ang aktibidad ni Dangerous Drugs Board Chairperson Secretary Oscar F. Valenzuela, kasama ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, law enforcement agencies, partner organizations at media.
Ayon sa PDEA, bahagi ang pagsira sa mga nakumpiskang droga ng kanilang mandato na tiyaking maayos na naitatala, napoproseso at tuluyang nawawala sa sirkulasyon ang mga substance na nakumpleto na ang mga legal na proseso.

















