Nilinaw ng Western Mindanao Command o WestMinCom na hindi maaaring maging “off-limits” sa AFP at PNP ang mga komunidad ng MILF, lalo na sa pagpapatupad ng election security operations.

Ayon sa WestMinCom, patuloy ang koordinasyon nito sa MILF at iba pang stakeholders upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at mapanatili ang mga nakamit ng peace process.

Iginiit ng Command na saklaw pa rin ng legal na mandato ng AFP at PNP ang seguridad sa halalan, kabilang ang paggalaw ng mga election personnel, kagamitan, botante at security personnel patungo at mula sa polling centers sa mga komunidad ng MILF.

Kasabay nito, tiniyak ng WestMinCom na isasagawa ang mga operasyon sa pamamagitan ng tamang koordinasyon upang maiwasan ang hindi kinakailangang pangamba o tensyon sa mga komunidad.

Patuloy anilang tutuparin ng Command ang mandato nito habang pinangangalagaan ang peace process at ang maayos at ligtas na pagsasagawa ng halalan.