Magpapatupad ng pansamantalang work-from-home o WFH arrangement sa ilang tanggapan ng Bangsamoro Government mula Oktubre 27 hanggang 30, 2026, kaugnay ng inaugural session ng First Regular Bangsamoro Parliament sa Oktubre 30.

Batay sa Public Advisory na may petsang Oktubre 26, 2026, nakasaad sa Executive Order No. 0008, Series of 2026, na saklaw nito ang mga opisyal at kawani ng executive ministries, offices, at agencies na nasa loob ng Bangsamoro Government Center at mga katabing tanggapan na maaapektuhan ng mga paghihigpit sa seguridad, trapiko, at pagpasok sa lugar.

Sa ilalim ng kautusan, pansamantalang sususpindihin ang compressed workweek schedule para sa mga saklaw na kawani na papayagang magtrabaho mula sa bahay. Sa halip, kailangang sundin ang walong oras na trabaho kada araw, hindi kabilang ang meal breaks, alinsunod sa iskedyul na itatakda ng kani-kanilang pinuno ng tanggapan.

Gayunman, hindi saklaw ng WFH arrangement ang mga opisyal at kawani ng Bangsamoro Parliament na kinakailangang pisikal na dumalo sa paghahanda at pagsasagawa ng inaugural session, kabilang ang mga personnel na nakatalaga sa secretariat, protocol, technical, administrative, at security support.

Inaatasan din ang mga pinuno ng tanggapan na tiyakin ang sapat na bilang ng mga kawani para sa mahahalagang serbisyo, kabilang ang frontline, emergency, seguridad, at mga gawaing regulasyon.

Mananatiling dapat maabot sa itinakdang oras ng trabaho ang mga kawani na naka-WFH, magtala ng attendance sa pamamagitan ng awtorisadong sistema, at magsumite ng mga itinakdang output o accomplishment report.

Ayon sa advisory, pansamantala lamang ang mga hakbang na ito at magtatapos sa Oktubre 30, 2026. Hindi rin nangangahulugan ang kautusan na idinedeklarang holiday ang mga nasabing araw o ititigil ang operasyon ng pamahalaan.