Nakahada na ang BARMM para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election sa Setyembre 14, na itinuturing na mahalagang hakbang sa sariling pamamahala at proseso ng kapayapaan sa rehiyon.

Tiniyak ng pamahalaan at COMELEC na tuloy ang halalan alinsunod sa Republic Act 12317, habang pinaiigting naman ang seguridad ng PNP, AFP at iba pang security forces sa mga lugar na itinuturing na election areas of concern.

Ayon sa PNP, nasa 9,463 pulis ang na-deploy sa buong BARMM, kabilang ang halos limang libo mula sa PRO-BAR.

May 2.393 milyong rehistradong botante na boboto sa 5,212 clustered precincts sa 1,186 voting centers.

Sa unang Parliamentary Elections, pipili ang bawat botante ng isang regional political party, isang district representative at anim na sectoral representatives para sa 80-miyembrong Bangsamoro Parliament.

Pinalalakas din ng COMELEC ang voter education at naghanda ng mga backup power source sakaling magkaroon ng brownout upang hindi maantala ang pagboto at transmission ng resulta.

Target ng COMELEC na makilala ang mga mananalo sa gabi ng Setyembre 14 at maisagawa ang proclamation pagsapit ng Setyembre 15.

Hinihikayat ang mga botante na alamin ang kanilang precinct at maging mapanuri sa pagpili ng partido at mga kinatawan sa makasaysayang halalan.