Nagsagawa ng peace dialogue ang 1st Mechanized Infantry o Maaasahan Brigade at mga commander at kinatawan ng MILF noong Setyembre 8 sa Paglat, Maguindanao del Sur bilang paghahanda sa nalalapit na BARMM Parliamentary Election.

Isinagawa ito sa pamamagitan ng 2nd Mechanized Infantry o MAKASAG Battalion sa pamumuno ni LTC Raul P. Escat, sa ilalim ng 1st Mechanized Infantry Brigade na pinamumunuan ni BGEN Omar V. Orozco.

Dumalo ang apat na commander mula sa 108th Base Command, tatlo mula sa 26th Base Command at labing-isa mula sa Inner Guard Base Command, kasama ang mga kinatawan ng MILF-AHJAG na sina Dr. Zainoden Kusin, Dhen Pandita at Thong Osman.

Tinalakay ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, pagtugon sa mga concern ng komunidad, pag-iwas sa lokal na alitan at pagpapalakas ng koordinasyon para sa maayos at mapayapang halalan.

Binigyang-diin ni BGEN Orozco ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon sa MILF at iba pang peace partners upang mapanatili ang katatagan at mahikayat ang mga komunidad na suportahan ang mapayapang electoral process.

Nagkasundo ang mga lumahok na ipagpatuloy ang komunikasyon at pagtutulungan para sa kapayapaan, seguridad at katatagan sa Maguindanao del Sur, lalo na sa panahon ng halalan.