Umani ng kontrobersiya ang social media post ng beteranong mamamahayag na si Ramon Tulfo matapos nitong gamitin ang salitang “Moklo,” isang itinuturing na mapanlait na katawagan sa mga Moro, sa kanyang komentaryo laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Kaugnay ito ng mga video na kumakalat sa social media na nagpapakita ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) na may dalang mga armas, na ayon kay Tulfo ay tila pagpapakita ng puwersa at paghamon sa pamahalaan.

Kinuwestiyon din ni Tulfo ang umano’y pagpapasensiya ng pamahalaan sa MILF at iginiit na hindi dapat palampasin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang naturang pagpapakita ng armas.

Iniugnay rin niya ang kanyang komentaryo sa pahayag ni MILF Commander Bravo tungkol sa posibleng pagpasok ng mga pulis at sundalo sa kanilang teritoryo kaugnay ng paghahanap kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa. Muli rin niyang binanggit ang Mamasapano encounter noong 2015 na ikinasawi ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF).

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang AFP, PNP, MILF at MILF-BIAF bilang tugon sa mga komento ni Tulfo.