Kinondena ni Prof. Hashim B. Manticayan ang paggamit ng mapanlait na salita laban sa mga Moro at Muslim, kasunod ng kontrobersiyal na pahayag ni Ramon Tulfo na gumamit ng salitang “Muklo” sa pagtukoy sa komunidad.
Sa kanyang Facebook post, iginiit ni Manticayan na hindi nakatutulong sa pagsusulong ng kapayapaan ang mga salitang may diskriminasyong konotasyon dahil maaari lamang nitong palalimin ang kawalan ng tiwala at pagkakawatak-watak sa lipunan.
Binigyang-diin din niya na hindi dapat ituring na pagsuporta sa karahasan ang pagtatanggol sa karapatan at dignidad ng mga Moro, na may sariling kasaysayan, kultura, pananampalataya at identidad.
Ayon kay Manticayan, hindi lamang kawalan ng putukan ang tunay na kapayapaan, kundi dapat itong nakabatay sa katarungan, pagkakapantay-pantay at paggalang sa pagkakaiba-iba.
Nanawagan siya sa mga nagsusulong ng kapayapaan sa Bangsamoro na pairalin ang paggalang hindi lamang sa salita kundi maging sa mga gawa at patakaran ng pamahalaan.

















