Mahigpit na ipinagbawal ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE-BARMM sa mga Islamic Studies and Arabic Language o ISAL teachers, gayundin sa iba pang empleyado at contractual personnel ng ahensya, ang pagsisilbi bilang poll watchers, campaign workers, o kinatawan ng mga kandidato, partido, o coalition sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections.
Ito ay batay sa MBHTE Order No. 0013, Series of 2026, na inilabas kahapon September 10 at muling binigyang-diin sa regional memorandum ng tanggapan ng Director General ngayong September 11.
Ayon sa MBHTE, nakabatay ang direktiba sa umiiral na civil service laws at election guidelines, gayundin sa layunin nitong mapanatili ang tiwala ng publiko at integridad ng halalan.
Partikular na binanggit ng ahensya ang ilang Contract of Service personnel, kabilang ang ISAL teachers, na umano’y magsisilbing watchers para sa ilang partido at kandidato sa September 14, 2026 BARMM Parliamentary Elections.
Bukod sa pagbabawal sa pagiging poll watchers, inatasan din ang mga contractual personnel ng MBHTE na manatiling ganap na non-partisan at umiwas sa direkta o hindi direktang pakikilahok sa partisan political activities, electioneering, at public campaign endorsements habang nasa ilalim ng kanilang kontrata sa ahensya.
Ipinag-utos din ng MBHTE na manatiling malaya sa anumang political influence o campaign activity ang mga classroom, learning center, at administrative spaces na sakop ng Madaris Subsector at Division Offices.
Inatasan naman ang Director General for Madaris Education at lahat ng Schools Division Superintendents na agad ipalaganap ang direktiba sa kanilang mga nasasakupan upang matiyak ang mahigpit na pagsunod dito.
Nagbabala ang MBHTE na ang paglabag sa kautusan ay maaaring maging batayan ng administrative disciplinary action, kabilang ang agarang termination o hindi pag-renew ng employment contract, bukod pa sa posibleng criminal action at iba pang legal remedies na itinakda ng batas.
Samantala, nilinaw sa memorandum na hindi naaapektuhan ng direktiba ang constitutional right to suffrage ng mga personnel, o ang kanilang karapatang bumoto.

















