Mahigit 300 sundalo ang idinagdag na pwersa para sa seguridad ng 2026 BARMM Parliamentary Elections matapos pormal na tanggapin ng 602nd Infantry “Liberator” Brigade ang Task Force 27.
Isinagawa ang welcome ceremony ngayong araw ng Biyernes, September 11, sa Headquarters ng 33rd Infantry Battalion sa Barangay Salunayan, Midsayap, Cotabato.
Binubuo ang Task Force 27 ng mga tauhan mula sa 27th Infantry Battalion at Charlie Company ng 89th Infantry Battalion, sa pamumuno ni Lieutenant Colonel Eliezer M. Bejarin, PA.
Ayon sa 602nd Brigade, ide-deploy ang karagdagang pwersa sa mga itinalagang lugar sa kanilang Area of Responsibility upang palakasin ang seguridad sa mga voting center at komunidad, partikular sa mga lugar na nangangailangan ng dagdag na presensya ng security forces.
Bahagi ito ng paghahanda ng Brigade para sa halalan at layuning matiyak ang ligtas at maayos na pagdaraos ng botohan at maprotektahan ang karapatan ng mga botante na makaboto nang malaya.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang 602nd Brigade sa COMELEC, PNP, mga lokal na pamahalaan, at iba pang security sectors para sa ligtas at mapayapang September 14 BARMM Parliamentary Elections.

















