Nagpapatuloy sa ngayon ang imbistigasyon ng mga alagad ng batas sa naging pamamaril patay sa isang opisyal ng Purok sa Purok 3 Kalyong sa Barangay Landan, Polomolok South Cotabato noong biyernes.

Kinilala ng hepe ng Polomolok PNP na si Lt. Col. Peter Pinalgan ang biktima na si Marebel Manton, 46 anyos at residente sa nasabing lugar.

Nakatambay lamang sa lanai ng kanilang bahay ang biktima kasama ang mga kapatid at pamangkin nito ng biglang dumating ang suspek na pinsan pa nito na si Ariel Manton na nakatira din sa nasabing barangay.

Bigla na lamang binaril ng suspek sa likod na bahagi nito at tinamaan sa ulo ang biktima. Ang mas nakakagulat, matapos ang pagpatay nito sa kanyang kadugo ay nakuha pang bumati ng “Good Afternoon” ang suspek sa mga pinsan nito bago tumakas.

Dead on arrival na ng isugod sa pinakamalapit na pagamutan si Marebel. Away pamilya ang tinitignang motibo ng PNP sa naging pamamaril sa biktima ng suspek.

Kusa namang sumuko dahil sa bigat ng konsensya ang suspek noong Sabado, Setyembre 14 at nasa kustodiya na ngayon ng kapulisan ng Polomolok at nakatakda itong sampahan ng kasong pagpatay.