Nabuwag ang isang hinihinalang drug den matapos maaresto ang tatlong indibidwal sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Panang, Wao, Lanao del Sur kahapon Setyembre 22.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-Lanao del Sur Provincial Office ang operasyon, katuwang ang Wao Municipal Police Station at 55th Delta Company ng Philippine Army.
Kabilang sa mga naaresto ang 21-anyos na si alyas Luba o Tarat, na tinukoy na maintainer ng hinihinalang drug den, kasama ang 41-anyos na si alyas Jamel at 21-anyos na si alyas Naino, na pawang residente ng Barangay Panang.
Nakumpiska sa operasyon ang 33 heat-sealed sachet na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 15 gramo at standard value na 102 libong piso.
Narekober din ng mga awtoridad ang dalawang cellphone at buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nasa kustodiya na ng PDEA BARMM Jail Facility ang tatlong suspek habang hinihintay ang inquest proceedings para sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 8, 11 at 12 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















