Kinondena ng Local Government Unit o LGU ng Datu Piang, Maguindanao del Sur ang isang Facebook post na naglalaman umano ng banta laban sa mga estudyante ng Gani L. Abpi Colleges, Inc.
Agad namang nakipag-ugnayan ang LGU sa Philippine National Police o PNP para sa masusing imbestigasyon at pagtukoy sa taong nasa likod ng naturang post.
Ayon sa LGU, kailangang matukoy at mapanagot sa ilalim ng batas ang responsable sakaling mapatunayan ang banta.
Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa publiko na manatiling kalmado at mapagmatyag, at iwasang magpakalat ng mga impormasyong hindi pa beripikado.
Hinimok din ang publiko na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahalintulad na banta o kahina-hinalang aktibidad.
Patuloy namang susuportahan ng LGU ang isinasagawang imbestigasyon ng PNP habang inaalam ang buong pangyayari sa likod ng naturang Facebook post.

















