Itinanggi ng Office of the Governor ang kumakalat na impormasyon tungkol sa umano’y pamamaril sa Isulan National High School.
‎
‎Sa ipinadalang mensahe sa Star FM Cotabato ng News, Media and Press Office ng gobernador ng Sultan Kudarat, sinabi nitong na-verify na false ang naturang impormasyon.
‎
‎Hiniling din ng tanggapan sa mga nag-post ng ulat na pansamantalang alisin ito upang maiwasan ang pagkalito, pangamba at hindi kinakailangang alarma sa mga magulang, estudyante, guro at komunidad.
‎
‎Nanawagan din ang tanggapan sa media at publiko na huwag munang mag-repost o magpakalat ng karagdagang impormasyon hinggil sa insidente habang wala pang inilalabas na opisyal na ulat ang Isulan Municipal Police Station.
‎
‎Binigyang-diin ng tanggapan na partikular na mahalaga ang pagberipika ng impormasyon dahil may kinalaman ito sa kaligtasan ng mga estudyante at ng school community.
‎
‎Pinayuhan ang publiko na hintayin ang opisyal at beripikadong impormasyon mula sa pulisya bago maglabas o magbahagi ng anumang update.