Nagsagawa ang Globe ng mga programa para sa digital livelihood, financial literacy at responsableng paggamit ng teknolohiya sa mga residente at estudyante sa Davao City bilang bahagi ng aktibidad nito sa Kadayawan Festival.
Kabilang dito ang Globe Caravan sa Bucana 76-A Barangay Hall kung saan itinuro sa mga residente ang paggamit ng digital tools para sa dagdag-kita at iba pang pang-araw-araw na transaksyon.
Ipinakilala rin ang Globe Benta App na maaaring gamitin sa pagbebenta ng prepaid load at promos sa komunidad.
Nagkaroon naman ng talakayan ang GCash tungkol sa financial literacy at social commerce, habang itinuro ng Globe Digital Thumbprint Program ang online safety at responsableng paggamit ng teknolohiya.
Nakibahagi rin sa aktibidad ang mga kinatawan ng BPI at Generika, kasama ang mga miyembro ng Green GSM community at kanilang pamilya.
Samantala, isinagawa naman sa Sta. Ana Central Elementary School ang 5G Powered Campus initiative ng Globe kung saan nagbigay ang kompanya ng 5G-enabled mobile devices para magamit ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Sumailalim din ang mga mag-aaral sa Digital Thumbprint session na nakatuon sa ligtas at responsableng paggamit ng teknolohiya.Aabot naman sa 150 estudyante ang nabigyan ng pagkain sa naturang aktibidad sa tulong ng Jollibee.
Ayon sa Globe, layunin ng mga programa na mapalawak ang access sa digital tools at mapaunlad ang kasanayan ng mga komunidad sa edukasyon, kabuhayan at ligtas na paggamit ng teknolohiya.

















