Nasabat ang tinatayang 587 gramo ng hinihinalang shabu at arestado ang dalawang hinihinalang high-value drug personalities sa isinagawang buy-bust operation sa Poblacion, Saguiaran, Lanao del Sur, ngayong Sabado, Oktubre 10.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Lanao del Sur Provincial Office ang operasyon, katuwang ang iba pang operating at support units.
Tinatayang P3,991,600.00 ang standard value ng nasabat na 587 gramo ng hinihinalang shabu.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas Anwar o Pado, 37 taong gulang, at si alyas Triks, 45 taong gulang.
Narekober din sa operasyon ang isang Android cellphone at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na isang-libong-pisong perang papel at pitong photocopied na perang papel.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















