Pinaiigting ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang paghahanda sa seguridad para sa unang sesyon ng mga miyembro ng Bangsamoro Parliament sa Oktubre 30, kasabay ng halalan ng Chief Minister at inagurasyon.

Ayon kay PLt. Leslie Quinol, tagapagsalita ng CCPO, sinabi nitong kabilang sa kanilang mga hakbang ang pagpapalakas ng police visibility, mobile patrols at tuloy-tuloy na anti-criminality operations upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na insidente.

Nakahanda na rin umano ang mga tauhan para sa crowd dispersal management (CDM) at quick response teams na agarang reresponde sakaling magkaroon ng kaguluhan. Aniya, nagsimula na rin noong Oktubre 25 ang pagdaragdag ng mga tauhan mula sa iba’t ibang law enforcement agencies na katuwang sa pagpapanatili ng seguridad sa lungsod.

Kabilang din sa kanilang mga paghahanda ang posibleng pagdalo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa naturang makasaysayang aktibidad.