Aabot sa P9.85 milyon ang halaga ng mga pinaghihinalaang ipinuslit na sigarilyong nakumpiska ng pulisya sa isang operasyon sa Barangay Tandiong Muslim, Alicia, Zamboanga Sibugay, kung saan dalawang lalaki ang naaresto.

Ayon sa ulat, nasa 250 master cases ng sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad, kasama ang dalawang closed van na umano’y ginamit sa pagbiyahe ng mga kontrabando.

Dinala sa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang mga nakumpiskang sigarilyo at iba pang ebidensiya para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang disposisyon.

Bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police o PNP laban sa ilegal na pagpasok at pagbebenta ng mga produkto na maaaring makaapekto sa lehitimong negosyo at koleksiyon ng buwis ng pamahalaan.