Kumpleto na ang hanay ng mga mamumuno sa unang Regular Bangsamoro Parliament matapos italaga ang mga opisyal ng executive at legislative leadership, gayundin ang mga chairperson ng 24 na komite sa isinagawang inaugural session nitong Biyernes, Oktubre 30, sa Cotabato City.

Bukod kay Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua, itinalaga rin bilang Deputy Chief Ministers sina MP Mamintal R. Adiong III para sa North Central Mindanao Subregion at MP Hadjimar Matba para sa Southwestern Mindanao Subregion.

Samantala, nahalal namang Speaker ng Parliament si MP Amer Zaakaria Rakim, kasama ang 10 Deputy Speakers na tutulong sa pangangasiwa ng mga sesyon at iba pang gawain ng lehislatura.

Bilang bahagi ng pamunuan ng plenaryo, nahalal si MP Johari Abu bilang Majority Floor Leader, habang si Atty. Bantuas M. Lucman naman ang magsisilbing Secretary-General ng Parliament.

Itinalaga rin ang mga mamumuno sa 24 na komite, na binubuo ng 17 statutory committees at pitong parliamentary committees, na mangangasiwa sa pagsusuri ng mga panukalang batas, pagdaraos ng public hearings at pagmomonitor sa mga programa ng pamahalaang Bangsamoro.

Kabilang sa mga itinalagang chairperson sina MP Kitem Kadatuan Jr. sa Finance, Budget and Management; MP Tomanda Antok sa Basic, Higher and Technical Education; MP Princess Pala Gandamra sa Health; MP Ma-arouph Candao sa Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform; MP Rima Hassan sa Trade, Investment and Tourism; at MP Hosni Macapodi sa Social Services and Development.

Pinamunuan naman ni MP Johari Abu ang Committee on Rules, ni MP Ibrahim Ibay ang Committee on Accounts, ni MP Naguib Sinarimbo ang Committee on Amendments, Revision and Codification of Laws, at ni MP Zulfikar-Ali Bayam ang Blue Ribbon Committee.

Kabilang din sa mga itinalagang chairperson sina MP Rashdi Adiong sa Labor and Employment, MP Michael Midtimbang sa Environment, Natural Resources and Energy, MP Abdul Rauf Adiong sa Science and Technology, MP Hadjimar Matba sa Transportation and Communications, MP Karwin Hamjani sa Public Works, MP Jose Lorena sa Bangsamoro Justice System at MP Suraija Reina Hataman sa Women, Youth, Children and Persons with Disabilities.

Sa ilalim ng bagong organisadong Parliament, ang mga komite ang magsisilbing pangunahing lugar para sa masusing pagsusuri ng mga panukalang batas at resolusyon bago dalhin sa plenaryo para sa deliberasyon at pag-apruba.

Magsisilbi ang unang Regular Bangsamoro Parliament hanggang Hunyo 30, 2031, na may tungkuling magpasa ng mga batas, mag-apruba ng panrehiyong budget at magsagawa ng oversight sa mga programa ng pamahalaang Bangsamoro.