Hindi pa umano natatanggap ng mga miyembro ng Joint Peace and Security Teams (JPST) mula sa Bangsamoro Islamic Armed Forces–Moro Islamic Liberation Front (BIAF-MILF) ang anim na buwang allowance na inaasahang maibibigay ngayong Oktubre.
Batay sa impormasyong ipinadala sa 93.7 Star FM Cotabato, noong Setyembre 29, 2026, inanunsyo ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) ang planong pagbibigay ng kabuuang allowance para sa anim na buwang hindi pa natatanggap ng mga miyembro ng JPST.
Gayunman, ayon sa nagpadala, papatapos na ang Oktubre ngunit hindi pa umano naibibigay ang naturang halaga.
Nakalista rin sa impormasyong ipinadala ang iba pang sinasabing pagkaantala, kabilang ang pitong buwang operational expenses o OPEX, na nakasaad na may halagang P50,000 kada buwan mula Abril hanggang Oktubre 2026, at sampung buwang allowance para sa mga miyembro mula sa panig ng pamahalaan o GPH, partikular sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
















