Nagsimula na ng administrasyon ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua ang panayam at pagsusuri sa mga aplikanteng nais magpatalaga sa mahahalagang posisyon sa unang regular na pamahalaang Bangsamoro.

Kabilang sa mga posisyong bukas para sa aplikasyon ang mga Minister, Deputy Minister, Head of Office at Deputy Head of Office sa iba’t ibang tanggapan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Isinasagawa ang screening alinsunod sa Memorandum Circular No. 0147, Series of 2026, na inilabas noong Oktubre 31 at pormal na nagtatag sa Search and Screening Committee na mangangasiwa sa pagsusuri ng mga aplikante.

Layunin ng komite na matiyak na magiging malinaw, patas at nakabatay sa kakayahan ang proseso ng pagpili, kung saan isasaalang-alang ang kwalipikasyon, integridad, kakayahan at karanasan ng bawat aplikante.

Bahagi rin ito ng pagsusulong ng administrasyon ng transparency at accountability sa paghirang ng mga opisyal na mamumuno sa mga ministeryo at tanggapan ng pamahalaang Bangsamoro.

Kasabay nito, pinabibilis ang pagbuo ng bagong Cabinet dahil sa pangangailangang maihanda agad ang panukalang 2027 Bangsamoro General Appropriations Act.

May limitadong panahon ang bagong administrasyon upang maisaayos ang mga pangunahing tanggapan at maihanda ang mga kinakailangang programa at panukalang pondo para sa susunod na taon, kaya mahalaga ang agarang pagtalaga sa mga kwalipikadong opisyal.

Target ng Parliament na maipasa ang panukalang panrehiyong badyet bago ang kanilang December recess, dahilan upang maging mahalaga ang maagap na pagbuo ng Cabinet at koordinasyon ng mga ministeryo.

Inaasahang makatutulong ang napapanahong paghirang sa mga opisyal upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga operasyon ng pamahalaan, maayos na paghahanda ng badyet at mabilis na pagpapatupad ng mga programa at serbisyong publiko.

Itinuturing na mahalagang hakbang ang pagsisimula ng screening process sa pagtatatag ng mas bukas, mapanagot at kompetitibong sistema ng pagpili ng mga mamumuno sa unang regular na pamahalaang Bangsamoro.