Nagbalik-loob sa pamahalaan ang apat na indibidwal na tinukoy bilang Friends Rescued o FRs matapos isuko ang kanilang mga baril sa isang seremonya sa tanggapan ng alkalde sa T’boli Municipal Hall, South Cotabato, nitong Martes, Nobyembre 3.

Ipinrisinta ang apat na FRs at ang kanilang mga isinukong armas kay 603rd Infantry Brigade Commander Brigadier General Manuel Leo Q. Gador at kay T’boli Mayor Keo Dayle T. Tuan.

Kasunod nito, nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ang apat na indibidwal bilang bahagi ng kanilang pangakong talikuran ang armadong karahasan at mamuhay nang naaayon sa batas.

Nagkaloob naman si Mayor Tuan ng paunang tulong pinansyal sa mga ito at nangakong ipagpapatuloy ang suporta sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP.

Pinuri ni Gador ang kanilang desisyon na piliin ang kapayapaan at hinikayat ang iba pang nananatili sa armadong grupo na samantalahin ang pagkakataong magbalik-loob sa pamahalaan.

Samantala, tiniyak ng 603rd Infantry Brigade na ipagpapatuloy nito ang pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan, mga katuwang sa pagsusulong ng kapayapaan, at mga komunidad upang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Central Mindanao.